Salita
Kuha kasama si Mam Teresita "Tet" Maceda; Abril 2013, CAL Graduation rites Sa daluyong ng laksa-laksang salitang kasinungalingan Isang katotohanan ang magpapahupa ng lahat Pinagpasiyahan ko ngayong gabi, bago matapos ang araw, ang gawing muli ang apat na taon kong pinaggugulan ng buong atensyon sa Unibersidad at pinuspos ng labis na pagmamahal – ang sumulat sa katutubo kong wika, ang wikang Filipino. Para sa araw na ito, sinubukan kong humabol sa burol ng isa sa aking mga pinakamamahal na propesor sa Depto ng Filipino at Panitikang Pilipino (DFPP), Propesor Emeritus Teresita Maceda na magiliw naming tinatawag na “Mam Tet”. Dahil sa alaala ng kanyang buhay nang gabing ito, maraming nanariwa sa aking alaala na kailangan kong maalala para muling makagalaw pausad. Sa paglisan niya, muli akong nabuhayan ng loob na maniwala. Taong 2012. Nalalapit na ang pagtatapos ko sa Unibersidad nang sa aming pag-uusap, binitiwan ni Mam Tet ang isang mensaheng hinding hindi...